Visita Iglesia.
Isang nakagawiang paraan ng mga Katolikong mananampalataya para gunitain at isabuhay ang panahon ng Kuwaresma o Mahal na Araw.
Ito ay ang pagbisita at pagdarasal sa hanggang pitong (7) iba-ibang simbahan na isinasagawa tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo bilang pakikiisa at pagbibigay parangal sa naging sakripisyo ni Hesu Kristo.
Nagsimula ang Visita Iglesia sa Pilipinas noong 1950 na dinala ng mga Augustinian missionaries sa bansa.
Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, hindi naging madali ang Visita Iglesia sa Pilipinas, dahil na rin sa kakulangan ng simbahan at malalayong distansya ng mga ito.
Ngunit sa pagdaan ng panahon at pagkakaroon ng maayos na transportasyon ay naging posible at mas madali na ang pagbisita sa mga simbahan.
Ang Maynila ang unang naging sentro ng Visita Iglesia sa bansa dahil sa 7 malalaking simbahan sa Intramuros noon.
Ngunit dahil sa giyera, ang tinaguriang Battle of Manila noong World War II ay nasira at hindi na naayos ang 5 sa pitong simbahan sa Intramuros.
Tanging ang San Agustin Church at Manila Cathedral ang nananatiling nakatayo hanggang sa ngayon.
Bakit nga ba may Visita Iglesia? Alam mo ba ang layunin nito?
Ayon kay Father Erick Santos, Director ng Catholic Charismatic Renewal Ministries ng Archdiocese Manila, ang Visita Iglesia ay isang tugon sa Panginoon na nagdamdam sa mga apostol noong unang Huwebes Santo kung kailan habang nananalangin si Hesus sa Hardin ng Gethsemane ay inanyayahan niya na samahan siya ng mga apostol ngunit natulog lamang ang mga ito.
Kaya aniya kapag ginagawa ang Visita Iglesia ay naglalaan ang isang mananampalataya ng oras para manalangin bilang pagbabayad puri sa naging pagkukulang kay Hesus sa unang Huwebes Santo.
Binigyang diin ni Father Santos na ang Visita Iglesia ay para sa pananalangin at para tugunan ang hiling ng Panginoon na samahan siya.
Sinabi ni Father Santos na ito rin ang tamang panahon para masabi sa Panginoon na, “Lord sasamahan kita… at Lord, andito lang ako.”
Kasabay nito ay hinimok ni Father Santos ang mga mananampalataya na isabuhay at isapuso ang kagustuhang makapiling ang Panginoon…aniya dapat malaman ng bawat isa na ang Visita Iglesia ay hindi lamang katuwaan kung hindi panahon para makapagnilay sa mga naging sakripisyo ni Hesukristo.
Sa panahon ngayon, ano na ba ang pananaw ng mga Kabataan sa Semana Santa?
“Hindi pa rin namamatay ang paggunita ng mga kabataan tuwing Semana Santa.”
Ito ang binigyang diin ni Kare Hendrick ‘Karr’ O. Pascual, isang sakristan sa Naga Metropolitan Cathedral, St. John Evangelist Parish sa Archdiocese ng Caceres.
Ayon kay Karr, maaaring akalain ng iba na namatay na ang banal na pagninilay-nilay ng kabataan ngayon dahil sa mga makabagong teknolohiya’t maraming pagbabago sa pailigid ngunit aniya, ipinapahayag ng mga millennial ang kanilang paniniwala sa iba’t-ibang paraan.
Tulad na lang aniya ng pag-popost ng mga banal na pahayag (bible verses) o mga repleksyon sa social media, dahil ani Karr, ganito na kabukas ngayon ang mga kabataan at ito na rin ang kanilang paraan para maibahagi ang kanilang opinyon.
Isa rin aniya ang pagda-download ng mga Bible applications sa mga cellular phones at doon na babasahin ang mga kasulatan sa Bibliya.
Idinagdag pa ni Karr ang pakikibahagi sa mga programa ng simabahan katulad aniya sa kanilang archdiocese na ‘Marian Youth Congress’ tuwing buwan ng Setyembre para sa paggunita sa patron na si Our Lady of Peñafrancia o ‘INA’, sa nasabing pagdiriwang umaabot sa 9,000 hanggang 12,000 youth delegates ang lumalahok.
At ngayon, aniya ang kanilang kinalahukan ay ang Visita Iglesia bilang paggunita sa Semana Santa.
May temang “A Journey of Prayer in the YEAR OF THE PARISH” at lenten theme na “Parish, Communion of Community That Believes in Remember and Celebrate the Pascal Ministry of Jesus”, ipinabatid ni Karr na umusad ito sa Diocese ng Camarines Norte sa pamumuno nina Father Roy Gueriña at Carol Rada at sa tulong na rin anya ng kanilang Parish Priest na si Rev. Msgr. Noe Badiola.
Base sa tema, kanilang nilibot ang pitong (7) simbahan para mabisita’t makita ang pangangailangan ng bawat parokya.
Ilan sa kanilang nilibot ay ang Nuestra Señora de Candelaria Parish sa Paracale, Cathedral of the Most Holy Trinity at St. John the Baptist Parish sa Daet, Our Lady of the Most Holy Trinity Seminary sa Labo, Our Lady of Fatima Shrine at St. Peter the Apostle Parish sa Vinzons, at St. Francis of Assisi Parish sa Talisay.
Ikinuwento ni Karr na hindi lamang ito pagkakataon upang mabisita ang iba’t ibang simbahan bagkus pagkakataon na rin anya na makasalamuha ang iba pang kabataan sa ibang lugar at ang kanilang komunidad.
Paliwanag pa ni Karr, isang maliit na bagay ito para makatulong sa anumang mga pangangailangan ng bawat simbahan katulad aniya ng St. Peter the Apostle Parish, na nasunog tatlong taon na ang nakararaan dahil aniya, tinitignan rin nila ang mga pasilidad na kailangang ikumpuni.
Samantala, nagbigay naman ng mensahe si Karr sa mga kabataan na huwag anyang pabayaang may humadlang sa kanilang paniniwala sa simbahan.
Ani Karr dapat tingnan ito hindi bilang kalaban bagkus isang hakbang na lalo pang paigtingin ang kanilang paniniwala sa Simbahang Katoliko.
By Race Perez | Aiza Rendon
*Sakaling magagawi kayo sa Camarines Norte ngayong Mahal na Araw, narito ang ilang simbahan na pupuwede ninyong mabisita.
Cathedral of the Most Holy Trinity, Daet Camarines Norte
Our Lady of the Most Holy Trinity Seminary, Labo Camarines Norte
St. Peter the Apostle Parish Vinzons, Camarines Norte
Our Lady of Fatima Shrine Vinzons, Camarines Norte
St. Francis of Assissi Parish Talisay, Camarines Norte
St. John the Baptist Parish Daet, Camarines Norte
Nuestra Señora de Candelaria Parish Paracale, Camarines Norte
Photo Credit: Glenn G. Bongalos