Inaasahang makalalaya na ngayong araw si dating Pangulo ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo makaraang pagtibayin ng Supreme Court en banc ang pagbasura sa kasong plunder laban sa kanya.
Kaugnay ito sa paglustay umano sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na nagkakahalaga ng mahigit 300 milyong piso.
Batay sa desisyong isinulat ng ponenteng si Associate Justice Lucas Bersamin, 11 sa mga mahistrado ang pumabor sa pagbasura sa kaso ni Ginang Arroyo habang apat naman ang kontra rito.
Ngunit binigyang diin ni Bersamin na tatlo sa mga bumoto pabor sa pagbasura sa kaso ni Arroyo ay pawang mga appointees ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito’y sina Associate Justices Bienvenido Reyes, Estela Perlas – Bernabe at Francis Jardeleza habang tatlo naman sa apat na kumontra na appointees ni Ginoong Aquino ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa.
Ayon naman kay Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, kinatigan ng mga mahistrado ang inihaing demurrer to evidence ng dating Pangulo na nagsasabing mahina ang mga ebidensyang magdiriin sa kanya sa kaso.
Victory
Samantala, nagbunyi si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa plunder case nito.
Ayon kay Arroyo, ikinalulugod niya ang naging desisyon ng mga mahistrado dahil sa wakas ay natapos na ang persecution na kanyang naranasan sa Aquino administration.
Pinasalamatan din ni Arroyo si Pangulong Rodrgio Duterte sa umano’y hindi pagharang at pagkakait ng hustisya sa kanyang kaso.
Kasabay nito, hinikayat ng dating Pangulo ang publiko na huwag mawalan ng tiwala sa justice system ng bansa.
Sa naging desisyon ng Supreme Court, umaasa si Arroyo na wala nang matutulad sa kanyang naging sitwasyon na napagkaitan ng due process.
Umapela rin si Arroyo sa mga kritiko na irespeto ang naging pinal na desisyon ng Korte Superma sa kanyang kaso.
By Jaymark Dagala | Bert Mozo (Patrol 3) | Rianne Briones