Dahil pasukan na sa buwan ng Hunyo at siguradong ilan sa mga kabataan ay nagbibilang na ng araw at ika nga sinusulit na nila ang nalalabing araw ng bakasyon.
Pero kahit anong gawin nilang pabagalin ang takbo ng panahon, kailangang ipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral upang sa ganun ay maagang magsipagtapos at harapin ang panibagong hamon ng kanilang buhay sa hinaharap.
Kaya ko napaguusapan ang kahalagahan ng pag-aaral, dahil naging inspirasyon ang buhay at kwentong-tagumpay ng isang dating mag-aaral na bagamat may kapansanan, ay hindi pumasok sa kanyang isipan na ito ay maituturing na kahinaan at maging dahilan na huwag niyang ipagpatuloy ang kanyang pangarap.
Parang battle cry niya ang mga katagang: “balang-araw ay makakamit kung rin ang aking hinahangad sa buhay”.
Ika nga sa kasabihan, “that’s the spirit”!
Ang aking pinatutungkulan ay si Catherine dela Torre, na isang deaf-mute individual, pero nagtapos ng pag-aaral sa pagiging Bachelor’s degree sa edukasyon.
Ang nakakapag-inspire dito sa kanyang buhay ay pumasa siya sa Licensure Exam for Teachers (LET), na bibihirang mangyari dahil nga isa siyang deaf-mute.
Hindi naging hadlang ito para kay Catherine, bagkus naging katuwang niya sa kanyang pangarap ang inang si Mommy Vicky at kapatid niyang si Joseph para alalayan siya sa kanyang mga minimithi sa buhay.
Napaka-ganda ang buhay ni Catherine, dahil sino ba naman ang makaka-isip na tulad niyang may iniindang problema, lalo na ito ay “pipi at walang pandinig”, ay maging guro na sa isang paaralan.
Dito lamang sinisimbolo at inihahalimbawa ni Catherine na anuman ang inyong karamdaman, kahinaan, at problema sa buhay, ito ay malalampasan kapag nagsumikap at gustuhin lamang ng may-ari ng katawan o buhay na maging successful.
Pero kung ito ay maging dahilan ng paghina ng loob at kawalan ng ambisyon sa buhay, ay tiyak na walang patutunguhan ang inyong kinabukasan.
Kaya sa mga mag-aaral na sa inyong palagay ay kayo ang may malakas na pangangatwan, at pinagpala kayo na nasa mabuting kalagayan, aba’y bawal at hindi dapat kayong magreklamo, kesyo mahirap ang mga takdang aralin o mga subject sa inyong paaralan.
Sana magsilbing aral at inspirasyon ang ibinahaging buhay ni Catherine dela Torre, sa mga estyudanteng papasok sa kanilang paaralan.
Para kay Catherine, mabuhay ka at Congratulations sana’y naantig mo ang puso’t-isipan ng maraming kabataan.