Inihirit ng Communist Party of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng hiwalay na unilateral ceasefire sa Agosto 20 o sa pagpapatuloy ng formal peace negotiations.
Ito ang inihayag ng CPP isang araw matapos bawiin ni Pangulong Duterte ang idineklara nitong unilateral ceasefire na bigo namang tugunan ng Komunistang grupo.
Nagbigay ng ultimatum ang Pangulo makaraang mapatay ang isang miyembro ng CAFGU at masugatan ang 4 na iba pa sa pananambang ng New People’s Army (NPA) sa Davao del Norte.
Ikinalungkot naman ng CPP ang pagbawi ni Duterte sa tigil-putukan subalit umaasa na hindi ito makaapekto sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.
Wala rin anilang masama kung magdeklara ng panibagong ceasefire ang Pangulo sa August 20 upang mapanindigan ng gobyerno ang pangakong palalayain ang lahat ng peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines at iba pang political prisoner.
By Drew Nacino