Nanindigan ang NAPOLCOM o National Police Commission na matibay ang hawak nilang ebidensya upang kasuhan ng administratibo sina dating NCRPO Chief Director Joel Pagdilao at Chief Supt. Edgardo Tinio, 2 sa 5 police generals na isinangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Casurao, malinaw sa kanilang imbestigasyon na maraming police standard operating procedures ang hindi sinusunod nina Tinio at Pagdilao pagdating sa anti-drug operations.
Aminado si Casurao na wala silang direktang ebidensya na mag-uugnay kina Tinio at Pagdilao sa illegal drug trade subalit sapat anya ang mga tila pagpapabaya nina Tinio at Pagdilao para kasuhan sila ng administratibo.
Tinukoy ni Casurao ang anya’y mga nakita nilang pattern sa mga drug operations nina Tinio at Pagdilao tulad ng paglalagay ng mga tauhan sa anti-drug units nang walang tamang training at tila paikot-ikot lamang na assignments ng tao.
Sa kabuuan anya ay lumalabas sa kanilang imbestigasyon na walang ginagawa noon sina Tinio at Pagdilao para masugpo ang illegal drug trade sa kanilang nasasakupan.
Ngayong araw na ito, inaasahan ng NAPOLCOM ang counter affidavits nina Tinio at Pagdilao.
By Len Aguirre