Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na tatapusin niya ang pamamayagpag ng oligarkiya sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang, tinukoy ni Duterte ang umano’y oligarko na si businessman at dating Trade Minister Roberto Ongpin na aniya’y nakinabang sa mga dating pangulo ng bansa.
Ayon kay Duterte, naging kadikit ni Ongpin ang mga dating punong ehekutibo tulad nina Ferdinand Marcos, Fidel Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno Aquino III.
Matatandang ipinag-utos na ni Duterte sa PAGCOR ang pagkansela sa mahigit 100 gaming license ng ilang kumpanya na nagpapatakbo ng online gambling at kinabibilangan ng Philweb Corp. ni Ongpin.
Giit ni Pangulong Duterte, ang mga oligarko sa bansa ay nakaupo lamang sa kanilang mga mansiyon habang tumatanggap ng limpak-limpak na salapi.
Ang oligarkiya ay isang sistema ng pamamahala o paghahari ng iilang tao lamang sa isang lipunan.
By Jelbert Perdez