Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na pansamantalang palayain ang 10 political prisoners upang makalahok sa peacetalks sa Oslo Norway na sisimulan sa August 20.
Ayon sa Korte Suprema, ang petisyon ng Office of the Solicitor General ay dapat inihain sa mga Regional Trial Courts na dumidinig sa mga kasong kriminal na kinakaharap ng 10 NDF leaders na gusto nilang palayain.
Gayunman, pinayagan naman ang pansamantalang paglaya nina Vicente Ladlad at Randall Echanis upang makalahok sila sa peacetalks.
Mananatiling malaya sina Ladlad at Echanis hanggang anim na buwan o hanggang sa matapos ang peacetalks.
Inatasan ng Supreme Court sina Ladlad at Echanis na magreport sa Philippine Embassy sa Norway at agad na magbalik ng Pilipinas pagkatapos ng peacetalks.
Sa inihaing petisyon ng OSG, ang mga hiniling nilang mapalaya ay sina Tirso Alcantara, Alex Birondo, Winona Birondo, Maria Concepcion Bocala, Reynante Gamara, Alan Jazmines, Ma. Loida Magpatoc, Adelberto Silva, Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon.
Lahat sila ay nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang na ang pagpatay sa 15 espiya ng pamahalaan sa Inopacan Leyte noong 1985.
Maliban sa 10 NDF leaders, hiniling rin ng OSG ang pagpapalaya kay Rafael Baylosis na dati nang nakapagpiyansa sa kanyang kasong kriminal subalit napawalang bisa makaraang hindi ito sumipot sa hearing ng kanyang kaso.
Ayon sa Korte Suprema, dapat maghain ng panibagong petition for bail ang OSG para kay Baylosis sa RTC.
By Len Aguirre