Kumikilos na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) upang paghandaan ang hero’s burial para kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang PVAO ang naatasang makipag-ugnayan sa pamilya Marcos.
Kasabay nito, muling idinepensa ni Andanar ang desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Iginiit ni Andanar na malaya naman ang mga kumokontra na magsagawa ng demonstrasyon upang ipakita ang kanilang pagtutol basta’t hindi ito makakaabala sa daloy ng trapiko.
Bahagi ng pahayag ni PCO Secretary Martin Andanar
Funeral march
Samantala, mula Batac hanggang Maynila ang mungkahing funeral march ni Atty. Oliver Lozano para sa yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Lozano, isang kilalang Marcos loyalist, dalawang beses nang nagawa ito ng mga tapat na tagasunod ng pamilya Marcos kayat magagawa uli nila ito para sa pinakahihintay nilang libing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Kasabay nito, iginiit ni Lozano na legal ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani dahil naabswelto na si Marcos sa mga walang basehang akusasyon laban sa kanya.
Bahagi ng pahayag ni Atty Oliver Lozano, Marcos loyalist
Philippine Army
Inihahanda na ng Philippine Army ang paglalagakan ng labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Col. Benjamin Hao ng Philippine Army Public Affairs Office, nakatanggap na sila ng order mula sa Philippine Veterans Affairs Office na paghandaan na ang libing ni Marcos.
Bahagi ng pahayag ni Col. Benjamin Hao
Ipinaliwanag ni Hao na batay sa kanilang listahan, ang mga kwalipikadong ilibing sa Libingan ng mga Bayani ay ang mga nakatanggap ng medal of valor, presidente o commander in chief ng AFP, kalihim ng Department of National Defense, chief of staff ng AFP, generals and flag officers ng AFP, mga aktibo at retiradong military personnel ng AFP, mga dating miyembro ng AFP na lumipat sa PNP at Coast Guard, mga beterano ng World War 1 at 2 at mga kinikilalang guerrillas, government dignitaries, national artists at iba pa na aprubado ng DND, at Kongreso at ang mga dating pangulo ng bansa, dating kalihim ng DND, at mga dating national artists.
Gayunman, may mga panuntunan rin kung sino ang hindi puwedeng ilibing sa Libingan ng mga Bayani.
Bahagi ng pahayag ni Col. Benjamin Hao
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Karambola