Labag sa batas ang paglilibing sa yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay dating Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales, malinaw sa Republic Act 289 na mga taong may dignidad lamang ang puwedeng ilibing sa Libingan ng mga Bayani.
Bilang naging Pangulo anya ay hindi na kwalipikado si Marcos dahil pinatalsik ito ng taongbayan at napatunayan na itong guilty sa alegasyon ng pandarambong sa ilang desisyon ng korte tulad ng class suit sa Federal Court of Hawaii.
Kinontra rin ni Rosales ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nito na kwalipikado si Ginoong Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani dahil naging sundalo naman ito.
Hindi rin anya maituturing na honorableng sundalo si Ginoong Marcos dahil batay sa pananaliksik ng National Historial Commission, binago ni Marcos ang kasaysayan ng bansa para lamang mapagtibay ang kanyang pagiging war hero.
Bahagi ng pahayag ni dating CHR Chairperson Etta Rosales
Luneta rally
Isang pinagsama-samang pagkilos ang ikinasa ng iba’t ibang grupo para tutulan ang paglilibing sa yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales, gaganapin ang malaking pagkilos sa Luneta sa August 14.
Maliban dito, isang resolusyon rin anya ang ihahain sa Kongreso upang igiit ang pagtutol ng marami sa desisyon ng Pangulong Duterte.
Bahagi ng pahayag ni dating CHR Chairperson Etta Rosales
NHCP
Samantala, nanindigan naman ang National Historical Commission of the PHILIPPINES (NHCP) na hindi dapat ilibing ang dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Nagsagawa ang NHCP ng pag-aaral kung bakit hindi dapat ilibing sa libingan ng mga bayani si Ginoong Marcos at isinumite na ito sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay NHCP Chairperson Maria Serena Diokno, napatunayan sa isinagawa nilang review na walang katotohanan ang mga medalyang tinaggap di umano ni Ginoong Marcos tulad ng distinguished service cross, order of the purple heart at silver star.
Lumabas rin anya na hindi kinilala ng Estados Unidos ang guerilla unit na ang maharlika na di umano’y binuo ni Marcos noong Japanese occupation.
Sinabi ni Diokno na kaduda-duda rin ang sinasabing pag-ambush nina Marcos sa mga siklistang Hapon noong 1942 kung saan 40 ang kanilang napatay.
Doon di umano kinuha ni Marcos ang samurai sword na ibinigay ni General Douglas McArthur kay US President Franklin Roosevelt.
Gayunman, sinabi ni Diokno na walang anumang dokumento na bumabanggit man lang sa insidente at maging sa pinagmulan ng samurai sword kahit pa sa British Pathe, isang newsreel archive na nagtataglay ng 85,000 videos mula 1896 hanggang 1976.
Ipinaliwanag ni Diokno na isinagawa nila ang pag aaral makaraang ipahayag ni Pangulong Duterte na dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Ginoong Marcos dahil isa itong sundalo.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas