Nanganganib na mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang magdala ng constitutional crisis sa bansa.
Babala ito ni Professor Ramon Casiple, isang political analyst sa harap ng banta ng Pangulo kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na magdeklara ng Martial Law dahil sa matinding problema sa illegal drug trade.
Sinuportahan ni Casiple ang posisyon ni Sereno na dapat idaan sa due process ang pagresolba sa problema sa illegal drugs at hindi sa basta pagpapahiya lamang na basehan ay luma at mali-maling listahan.
Bahagi ng pahayag ni Prof. Ramon Casiple
Ayon kay Casiple, nakakapangamba ang pagbanggit ng Pangulo sa Martial Law sa harap mismo ng mga sundalo.
Dahil dito ay nagkakaroon anya ng pagdududa kung ano ang tunay na motibo ng pag-iikot niya sa mga kampo ng mga sundalo.
Bahagi ng pahayag ni Prof. Ramon Casiple
Martial Law
Kaugnay nito, pinaghihinay-hinay din ng grupong BAYAN ang Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng mga katagang Martial Law o batas militar.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng BAYAN, kahit hindi literal na Martial Law ang gustong ipakahulugan ng Pangulo ay nagdadala pa rin ng pangamba ang mga katagang Martial Law sa taongbayan.
Dapat anyang ituloy ng Pangulo ang kanyang giyera laban sa droga subalit dapat nitong tiyakin na nasusunod pa rin ang batas.
Sinabi ni Reyes na normal lamang din na mangamba ang judiciary sa pamamaraan ng Pangulo sa kanyang giyera kontra droga.
Bahagi ng pahayag ni BAYAN Secretary General Renato Reyes
Hero’s burial for Marcos
Samantala, nanganganib din na lalo lamang magkahati-hati ang mga Pilipino sa hinaharap dahil sa isyu ng pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon Professor Ramon Casiple, isang political analyst, taliwas ito sa inaasahan ng Pangulong Rodrigo Duterte na kasamang malilibing ni Marcos ang matagal nang pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Hindi naman anya natuldukan ang mga isyung nakakabit sa mga Marcos tulad ng Martial Law dahil hanggang ngayon, marami sa mga biktima ang hindi pa nabibigyan ng hustisya.
Kumbinsido si Casiple na tatamaan rin sa isyung ito, maging ang popularidad ng Pangulo.
Bahagi ng pahayag ni Prof. Ramon Casiple
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita