Idinepensa ng Armed Forces of the Philippines na Philippine National Police (PNP) pa rin ang nangunguna sa pagpapatupad ng seguridad sa buong bansa.
Ito ang nilinaw sa DWIZ ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla kasunod ng idineklarang ‘state of lawless violence’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bansa dahil sa naganap na terorismo sa Davao City.
Ayon kay Padilla, umaalalay lamang ang mga sundalo sa mga pulis lalo na sa mga probinsya o lugar na hindi sapat ang kanilang puwersa.
Giit ni Padilla, walang katotohanan ang espekulasyon ng mga kritiko na mauuwi sa batas militar ang nabanggit na deklara ni Pangulong Duterte.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla
“Nakakalungkot po na bagamat ganito na po ang mga panahon na ito ay pinagduduhan pa tayo ng ilang sektor na kung atin namang susuriin ay wala naming naibigay na magandang bagay noong mga nakaraang panahon, bakit po nila pagdududahan? Nagbuwis na nga po ng buhay ang ating mga sundalo, ang ating karamihang mga naging bayani, pero sa panahong ito pinagdududahan po, sinisikap pa rin pong i-demonize lalo na po ang militar.” Pahayag ni Padilla.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita