Asahan na umano ang umento sa sahod bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, ito’y matapos ipag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards na simulan ang diskusyon para sa pagbibigay ng general wage increase.
Sinabi ni Maglunsod na inatasan na rin ang wage boards na plantsahin ang pagkakaroon ng across-the-board wage increase kahit walang pormal na petisyon mula sa mga manggagawa.
Bagama’t tumanggi si Maglunsod na ihayag kung magkano ang isusulong nilang umento sa sahod, sinabi nitong maglalabas ng pahayag ang ahensya ngayong araw hinggil sa naturang usapin.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOLE na busisiin ang ‘pay scale’ ng mga manggagawa sa gitna ng napaulat na marami sa mga ito ang underpaid.
Sinasabing nais ng Pangulo na ipantay ang sahod ng mga taga-probinsya sa mga taga-Metro Manila.
By Jelbert Perdez