Pinangangambahang madagdagan pa ang kaso ng zika virus sa bansa.
Kasunod ito ng pagpositibo sa zika ng isang babae sa Iloilo City, ang ika-anim na kaso ng zika sa bansa mula noong 2012.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, spokesman ng Department of Health (DOH), walang history na bumiyahe sa ibang bansa ang babae kayat dito lamang sa loob ng Pilipinas nakuha ang zika virus.
Sinabi ni Tayag na ang tanging paraan upang malabanan ang zika at iba pang sakit na dala ng lamok tulad ng dengue ay puksain ang mga ito.
Bahagi ng pahayag ni Dr. Eric Tayag ng DOH
Sa ngayon nagre-recover na ang babae sa Iloilo City na nagpositibo sa zika.
Sinabi ni Tayag na mas mabilis namang maka-recover ang isang infected ng zika kumpara sa dengue.
Nagkakaroon lamang anya ng kumplikasyon kung buntis ang may dala ng zika virus dahil maipapasa nya ito sa sanggol sa kanyang sinapupunan.
Iloilo City
Samantala, mahigpit ang monitoring ng Iloilo City government sa unang kaso ng zika virus sa lalawigan.
Kinilala ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang babaeng kinapitan ng zika virus na residente ng barangay Benedicto sa bayan ng Jaro.
Sinabi ni Mabilog na wala namang record na bumiyahe sa ibayong dagat ang biktima kayat tinututukan pa nila kung saan nito posibleng nakuha ang nasabing virus.
Samantala, nagsagawa na ng fogging sa lugar ang City Health Office bukod pa sa paglalagay ng powdered larvicide.
Kukuha rin ang mga awtoridad ng sample ng kiti kiti sa lugar na isasailalim sa pagsusuri para mabatid kung ito nga ang nagdadala ng zika virus.
By Judith Larino | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas