Bukas nang muli ang linya ng komunikasyon at naayos na ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika.
Ito’y makaraang ihayag ni Foreign Affairs Spokesman Asst. Sec. Charles Jose na nagkausap na sina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Barack Obama.
Sinabi ni Jose na batay sa impormasyong natanggap niya mula kay OPAPP Secretary Jess Dureza, nagkita umano ang dalawa sa holding room ng National Convention Center sa Vientian, Laos bago ang gala dinner.
Nagkamay umano at nag-usap sina Duterte at Obama na tumagal ng dalawa hanggang tatlong minuto at nagawa umanong plantsahin ang iba’t ibang usapin.
Samantala, inilabas din ng Malacañang ang isang larawan kung saan, makikitang nagkamay at nag-uusap sina Pangulong Duterte at UN Secretary General Ban Ki Moon.
Gala dinner
Dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang gala dinner ng mga pinunong kasapi ng Association of Southeast Asian Nation o ASEAN sa Vientiane, Laos.
Nakitang katabi ni Pangulong Duterte sina Indonesian President Joko Widodo at Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.
Suot ng Pangulong Duterte ang kulay pulang salong o pambansang kasuotan ng mga lalaking taga-Laos na sadyang ginawa para sa kaniya.
Una rito, no show ang Pangulong Duterte sa isinagawang ASEAN-United Nations meeting kaya’t hindi natuloy ang dapat sana’y pagtatabi nila ni US President Barack Obama at UN Secretary General Ban Ki Moon.
Sa halip, si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay ang sinugo ng Pangulo upang dumalo sa nasabing pagtitipon.
Courtesy call
Nakipagkita din si Pangulong Rodrigo Duterte kina People’s Democratic Republic of Laos President Bounnang Vorachith at Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith.
Ito ang dahilan kaya’t hindi nakadalo si Pangulong Duterte sa isinagawang pagpupulong ng mga ASEAN leaders kay United Nations Secretary General Ban Ki Moon.
Ayon kay Presidential Communications Assistant Secretary Queenie Rudolfo, kinailangang umalis agad ng Pangulo sa National Convention Center sa Vientiane ng ala-5:30 ng hapon na siyang oras ng nasabing pulong.
Ala-7:00 kagabi aniya ang nakatakdang courtesy call ng Pangulo sa Presidential Palace kaya’t kinailangan nito ang sapat na oras para makapaghanda.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: REUTERS/Jorge Silva