Tiniyak ni Supt. Renato Marcial Hepe ng Public Information Office ng Bureau of Fire Protection, na handa silang panagutin ang mga kawani ng kagawaran, na maaaring nagkulang, hinggil sa pagbibigay ng permit to operate sa Kentex.
Ayon kay Marcial, ito ay dahil napag-alaman na kahit walang Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) ang Kentex, mula noong 2013, ay nabigyan ito ng permiso para mag-operate.
Bagamat tila inabsuwelto sila ng Pangulong Noynoy Aquino, kahapon, sinabi ni Marcial na kanila pa din aantayin ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), hinggil sa mga posibleng makasuhan.
“2013, 2014 and 2015, wala po itong naisyuhan na FSIC, meron po kasi itong for compliance sa fire code, eh hindi ito na-comply, kung meron man pong lapses even on the part of the Bureau of Fire Protection eh definitely din po ay mayroong administrative sanction.” Pahayag ni Marcial.
Publiko, pinag-iingat
Pinag-iingat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko hinggil sa mga, “fly by night” na boarding house at dormitoryo.
Ayon kay Marcial, lubhang mapanganib ang mga ganitong dormitoryo dahil hindi ito dumaan sa inspeksyon ng Bureau of Fire Protection.
Makakabuti din aniya na agad tingnan ang fire exits at fire alarms ng isang establisyemento, bago ito rentahan.
“Siguraduhin po nila na ito ay legitimate operator, one, meron po itong business permit, dumaan ito sa Bureau of Fire Protection, ito po ay safe. Kami po ay nananawagan sa mga estudyante at parents na dapat ang boarding house ay merong sapat na fire exit, signages, alarm, ito po ang mga basics na dapat hinahanap nila.” Ani Marcial.
By Katrina Valle | Ratsada Balita