Patuloy na kumikilos ang bagyong Gener sa ibabaw ng Philippine Sea.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni PAGASA Weather Forecaster Chris Perez na hindi na ito inaasahang magla-landfall sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon kay Perez, kung patuloy itong kikilos sa direksiyong west-northwest sa bilis sa 22 kilometers per hour ay inaasahang lalabas na ito ng PAR o Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng madaling araw.
Subalit, dahil sa habagat na pinag-iibayo ng super bagyong Ferdie inaasahang makakaapekto ito sa ilang bahagi ng ating bansa.
Magdudulot ito ng mga pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Metro Manila, Ilocos Region, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro, Palawan at Western Visayas.
Samantala, ang bagyong Ferdie na nasa labas na ng bansa ay patuloy na kumikilos sa hilagang bahagi ng China at inaasahan ding kikilos sa direksiyong north-nortwest sa bilis na 20 kilometers per hour.
Posible ring pagkalipas ng 36 na oras ay tuluyan nang hihina ang bagyong Ferdie.
By Jelbert Perdez