Ipinalabas ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa mga kongresista ang isang foreign documentary na nagpapakita ng sitwasyon sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) noong nakalipas na administrasyon.
Sa unang araw nang pagdinig ng House Justice Committee hinggil sa operasyon ng iligal na droga sa NBP nais ni Aguirre na mapanuod ng mga kongresista ang nasabing documentary upang makita ang klase ng NBP bago pa dumating ang Special Action Force (SAF) nitong nakalipas na July 20.
Ang nasabing docu ay ipinalabas na sa Discovery Channel at bahagi ng TV series na “Inside the Gangster’s Code” na ang host ay si Louis Ferrante, isang convicted mobster na naging best selling true crime, business at science writer.
Kabilang sa mga na-interview na inmates sa nasabing episode si Jaybee Sebastian, isang gang leader at hinihinalang drug lord na nag-ooperate sa loob ng NBP.
Ipinakita sa docu kung gaano ka aluwal o luxurious ang buhay ng isang gang leader sa loob ng National Penitentiary.
Sa isang pag-uusap nina Sebastian at host ng show, ipinakita rin ng gang leader ang kanyang litrato kasama ang noo’y Justice Secretary Leila de Lima na inaakusahang sangkot sa drug trade sa NBP.
Magugunitang simula nang maupo sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte, ikinasa sa NBP ang ilang surprise raid operations kung saan nakumpiska ang ilang armas, mobile phone, signal boosters, illegal drugs at cash.
Ang mga jail guards din ay pinalitan ng mga miyembro ng SAF ng PNP.
By Judith Larino