Nanganganib na masuspendi o masibak ang Regional Director ng Environment and Management Bureau sa Region 6.
Ito ang ibinabala ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez makaraang mabatid na nabigyan ng kopya ng ahensya ang Semirara Mining and Power Corporation nang hindi batid ng EMB National Director.
Nauna rito, ibinunyag ng Semirara sa Philippine Stock Exchange na nabigyan sila ng kopya ng report ng EMB Region 6 at nagsabing technically sound at nakasunod sa panuntunan ang kanilang kumpanya batay sa itinatakda ng naisyung environmental compliance certificate makaraang maisumite nila ang sagot sa naihain na show cause order sa kumpanya.
Aminado si Lopez na nagulat siya sa paglabas ng nasabing report at ito aniya ay paglabag sa umiiral na protocol.
Ang Semirara ay nabigyan ng environment compliance certificate para sa kanilang Molave Coal Mine Expansion project na sumasakop sa may 3,825 ektarya at inaasahang makakapagprodyus ng 12 milyong metriko tonelada kada taon sa pamamagitan ng open-pit mining.
By: Avee Devierte