Iginiit ni Senate President Franklin Drilon na hindi minamadali ang pagbuo ng committee report ng Senate Blue Ribbon Sub Committee, na nagrerekomendang kasuhan sina Vice President Jejomar Binay, Makati Mayor Junjun Binay, at iba pa.
Ayon kay Drilon, mahigit sa 20 na ang ginawang pagdinig ng komite, at maaaring umaalma lamang ang kampo ni Binay, dahil palapit na ang halalan.
Binigyang diin ni Drilon na mas makakabuti kung haharapin nalang ng mga Binay ang alegasyon ng katiwalian, laban sa kanila.
“Dalawampu’t isang (21) hearings ang naganap mula noong Agosto ng nakaraang taon, yun pa yung fast track, nung mga nakaraang buwan sinasabi na bakit hindi nila itigil yan at bakit hindi na lang gawan yan ng report, ngayong ginawan na ng report, ang sinasabi naman, eh fast track, sala ka sa init, sala ka sa ulan, ganun lang po siguro dahil malapit na ang halalan, siguro pinakamabuti, harapin na lang itong alegasyon ng katiwalian.” Ani Drilon.
BBL, posibleng talakayin ng senado sa Hulyo na
Malabo nang maipasa sa senado, ang Bangsamoro Basic Law (BBL), bago mag-adjourn ang sesyon ng senado sa Hunyo 10, at maaaring talakayin na lang ito sa kanilang pagbabalik sa Hulyo.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, ito ay dahil mayroon pang gagawing pagdinig ngayong araw, si Committee Chairman Bongbong Marcos.
“Medyo mahirap sigurong maipasa ito bago kami mag-adjourn sa Miyerkules, dahil ngayong araw ang last day of hearing ni Sen. Marcos, hihintayin po natin ang kanyang committee report, sa palagay ko mauubusan kami ng panahon by June 10 para po maipasa ito.” Pahayag ni Drilon.
Tiniyak naman ni Drilon na sisiguraduhin ng mga senador na ang kanilang ipapasang bersyon sa plenaryo, ay naaayon sa Saligang Batas.
“Lahat naman ng senador ay nagkakaisa na dapat maliwanag na hindi po labag sa Saligang Batas ang alinmang probisyon ng BBL.” Dagdag ni Drilon.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit