Patuloy ang pagdagsa ng mga nais makiramay sa pamilya ni dating Senador Miriam Defensor Santiago.
Hindi pa man dumarating ang labi ay mahaba na ang pila sa Cathedral ng mga nais sumaksi sa labi ng dating senador.
Sa unang gabi pa lamang ng burol sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City kagabi ay dumagsa na ang mga kabataang supporters ni Santiago.
Ilan din sa mga personalidad na unang bumisita sa burol ni Santiago ay sina dating senador ngayo’y kongresista Pia Cayetano at dating senador Bongbong Marcos na running mate nito noong nakalipas na halalan.
Nauna ring dumalaw sina Quezon City Rep. Sonny Belmonte at House Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Ngayong araw na ito ay maaga namang dumating sa burol ang mga dating staff ng senadora.
Una nang binigyan ng pribadong oras ang pamilya at mga kaanak ni Santiago bago buksan sa publiko ang burol pasado alas-9:00 kagabi.
Ang dating senador ay nakatakdang ihatid sa huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina City sa Linggo ng hapon.
_ _ _
Ililibing sa tabi ng puntod ng kanyang anak na si Alexander si dating Senator Miriam Defensor Santiago.
Ayon kay dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff at kapatid ni Sen. Santiago na si Ret. Gen. Benjamin Defensor, ito umano ang bilin ng senadora bago siya namatay.
Malapit aniya si Santiago sa kanyang lalaking anak kung kaya’t gusto niyang makatabi ito sa himlayan.
Matatandaang sa kabila ng pagiging matapang ng senadora, kakaibang Miriam ang nasaksihan ng publiko nang pumanaw ang kanyang anak.
Taong 2003 pumanaw si Alexander matapos mag-suicide dahil umano sa natanggap na mababang grado sa Constitutional Law noong nag-aaral ito sa Ateneo de Manila University.
By Judith Larino | Jopel Pelenio (Patrol 17) | Mariboy Ysibido
Photos from: Cely Bueno (Patrol 19)