Naniniwala ang isang political analyst na hindi pa panahon para bigyan ng grado si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga nagawa sa bansa .
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Professor Clarita Carlos kasunod ng ika-100 araw ni Pangulong Duterte sa kanyang puwesto bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ayon kay Carlos, kung pagsisikap ang pag-uusapan, gradong 10 ang ibibigay niya sa Presidente pero bagsak ito sa foreign policy.
Bahagi ng pahayag ni Professor Clarita Carlos
Kinontra din ni Carlos ang pinanindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kayang tumindig ng Pilipinas kahit walang tulong mula sa Estados Unidos.
Ito ay sa harap na ng matapang na pahayag ng Pangulo na hindi magugutom ang bansa kahit alisin ang tulong ng ibang bansa.
Subalit, binigyang diin ni Carlos na maraming tratado ang Pilipinas sa Amerika.
Malalim na rin aniya ang naging ugnayan ng dalawang bansa na hindi basta-basta matatapos sa isang iglap lang.
Bahagi ng pahayag ni Professor Clarita Carlos
Advice for the President
Payuhan o paalalahanan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang panawagan ni Carlos sa mga gabinete ng Presidente.
Sinabi ni Carlos na hindi dapat hayaang magsalita nang magsalita ang Pangulo lalo na kung posibleng makaapekto ito sa pambansang interes.
Paliwanag ni Carlos, kaya nasa puwesto ang mga cabinet secretaries ay upang tulungan at alalayan ang presidente sa pagpapatakbo sa bansa.
Bahagi ng pahayag ni Professor Clarita Carlos
Economy
Iginiit naman ni Carlos na maganda ang economic fundamentals na tinatamasa ngayon ng bansa.
Subalit hindi ito aniya lahat mai-ke-credit sa Duterte administration.
Sinabi ni Carlos na ito’y dahil dapat ding kilalanin ang mga naitanim ng mga nakalipas na administrasyon.
Paliwanag niya, ang Pilipinas ang isa sa pinakamataas ang naging paglago ng gross domestic product at maganda ito para sa pagnenegosyo.
Umaasa si Carlos na magtuluy-tuloy ang magandang katatagan ng bansa hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Bahagi ng pahayag ni Professor Clarita Carlos
By Jelbert Perdez