Kinasuhan sa Ombudsman ni Albuera PNP Chief Jovie Espenido si Senador Leila de Lima at isang barangay kagawad dahil sa umano’y pagtanggap ng drug money.
Ayon kay Espenido, tumanggap sina De Lima at nasabing barangay kagawad ng payola mula kay suspected eastern visayas drug lord na si Kerwin Espinosa.
Sinabi ni Espenido na ang pagsasampa ng kaso laban kina De Lima ay resulta ng serye ng imbestigasyon at panayam sa ilang tao na may alam sa mga aktibidad ni Kerwin Espinosa.
Mula sa mga nasabing imbestigasyon aniya ay nadiskubre ang ilang personalidad na umano’y tumatanggap ng payola mula sa batang Espinosa.
Samantala, mahigpit namang itinanggi ni Senador Leila de Lima na tumanggap siya ng drug money mula sa itinuturong drug lord sa eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Kasunod ito nang isinampang kaso ni Albuera, Leyte PNP Chief Senior Inspector Jovie Espenido sa Ombudsman laban kay De Lima at isang barangay kagawad dahil sa pagtanggap umano ng drug money mula sa batang Espinosa.
Sinabi ni De Lima na ang nasabing alegasyon ay bahagi ng mga kasinungalingang tinatahi ng kanyang mga kritiko.
Hindi aniya niya kilala ang mga Espinosa lalo na si Kerwin at maging ang ama nitong si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
By Judith Larino | Cely Bueno (Patrol 19)