Sinagot ng Malakaniyang ang pahayag ng International Criminal Court o ICC hinggil sa mga nangyayaring pagpatay na may kinalaman sa kampaniya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, walang basbas ng pamahalaan ang mga mala-vigilanteng paraan ng pagpatay sa mga lehitimong operasyon ng pulisya
Kung ang napatay aniya ay nasa lehitimong operasyon, sinabi ni Andanar na agad itong sumasailalim sa imbestigasyon alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte
Giit pa ni Andanar, minsan nang inihayag ng Pangulo na handa siyang sumailalim sa anumang imbestigasyon sa alinmang korte para linawin ang usapin
Magugunitang nagbanta ang isa sa mga taga-usig ng ICC na si Fatou Bensouda na posibleng maharap sa patumpatong na kaso ang mga opisyal ng Pilipinas dahil sa pangungunsinte nito sa mga nangyayaring patayan sa bansa
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping