May naitala nang dalawa kataong patay sa lalawigan ng Isabela dahil sa pagbayo ng super typhoon Lawin.
Ayon kay Isabela Governor Faustino Bojie Dy III, isang 70-taong gulang na lalake ang inatake sa puso habang siya ay nasa evacuation center.
Samantala, napag-alaman naman sa consultant ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na si Benito Ramos na isang CAFGU ang nasawi matapos tamaan ng debris sa kasagsagan ng pag-ihip ng malakas na hanging dala ng bagyong Lawin.
Napag-alaman kay Ramos na halos hindi madaanan ang main highway na nagdudugtong sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Posible anyang abutin ng isa hanggang dalawang araw bago matanggal ang mga nakahambalang na mga kahoy at poste sa highway, mula Tuguegarao City Cagayan hanggang sa southern portion ng Isabela.
State of calamity
Pinalawig pa ng lalawigan ng Isabela ang state of calamity matapos na mapuruhan ng bagyong Lawin ang lalawigan.
Ayon kay Isabela Governor Faustino Bojie Dy III, tatlong sunod sunod na kalamidad na ang tumama sa kanilang lalawigan, una ang tagtuyot at ang magkasunod na bagyong Karen at Lawin.
Ayon kay Dy agad nilang sinimulan ang clearing operations sa mga kalsadang hindi madaanan dahil sa landslides at mga naputol na kahoy upang maabot ang mga bayan na isolated ngayon dahil sa super bagyong Lawin.
Kabilang sa mga bayang hindi maabot sa ngayon ang coastal town ng Maconacon, Divilacan, Dinapigue at Palanan Isabela.
Bahagi ng pahayag ni Isabela Governor Bojie Dy
By Len Aguirre | Ratsada Balita