Kasado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) para sa Undas.
Ayon kay Senior Supt. Gilbert Cruz, hepe ng PNP Police Community Relations Group, maliban sa pagpapakalat ng pulis sa mga sementeryo at terminal ng sasakyan, namimigay rin sila ng mga maskara kung saan nakasulat ang mga paalala at mga dapat tandaan para maging ligtas sa Undas.
Walong klase anya ng maskara ang kanilang ipinamimigay sa publiko na ang layunin ay makuha ang kanilang atensyon upang basahin ang mga nakasulat na paalala sa likod ng maskara.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Cruz na wala silang masamang intensyon sa pagsama sa mukha ni US President Barack Obama sa mga maskara kundi para lamang makuha ang atensyon ng publiko.
Bahagi ng pahayag ni Senior Supt. Gilbert Cruz ng PNP Police Community Relations Group
Manila North Cemetery
Sinimulan na ng Manila North Cemetery ang paghahanda para sa Undas.
Ayon kay Daniel Dandantan, Direktor ng Manila North Cemetery, naglagay na sila ng aspalto sa mga lugar na madalas binabaha at nagsimula nang maghakot ng mga basura.
Nakatakda na rin anyang pasinayaan ang bagong tayong apat na palapag na columbarium sa may bukana ng sementeryo gayundin ang apat na palapag na apartment style na libingan.
Samantala, nanawagan si Dandantan sa mga mamamayan na samantalahin ang magandang panahon ngayong weekend upang makapaglinis sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at habang pinapayagan pa ang pagpasok ng matatalim na bagay sa loob ng sementeryo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Aya Yupangco (Patrol 5)