Patay ang dalawang (2) hinihinalang drug traffickers sa pagsalakay ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sa shabu laboratory sa Prenza, Cauayan City sa lalawigan ng Isabela.
Isa sa mga suspects ang nakilalang si Kim Punzalan Uy, isang Chinese-Filipino na may mga alyas din na Atong Lee, Chua at Lung.
Hindi pa agad nakilala ang kasama nito subalit inilarawan ito na mukhang Intsik ng mga pulis.
Ayon sa PDEA, agad nagpaputok ang dalawang suspect nang makita silang papasok sa compound kung saan naroon ang bodega na ginawang shabu lab.
Nakumpiska sa lugar ang malalaking kagamitan at kemikal sa pagluluto ng shabu, dalawang baril at mga dokumento.
Napag-alaman na ang mga nakumpiskang kagamitan ay may kakayahang magluto ng hanggang dalawang kilo ng shabu kada araw.
Ininspeksyon naman ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang natuklasang mega shabu laboratory sa Isabela.
Agad tumulak ang PNP Chief matapos mapag-alaman ang pagkakatuklas sa industrial sized equipment na ginagamit sa pagluluto ng shabu.
Ayon kay Dela Rosa, ang matagumpay na raid sa shabu lab ay resulta ng tatlong buwang pagsubaybay nila sa lugar.
Noong Setyembre isang ring mega shabu laboratory ang natuklasan sa Barangay Lacquiros sa Arayat, Pampanga.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)
Photo Credit: PNP PIO