Inaprubahan na ng Department Of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa 3 miyembro ng Maute Terrorist Group na siyang nasa likod ng madugong pagpapasabog sa Roxas night market sa Davao City noong Setyembre.
Sa inilabas na resolusyon ng DOJ panel of prosecutors, inirekumenda nito ang pagsasampa ng kaso laban kina TJ Tagadaya Macabalang alias Abu Tufail, Wendel Apostol Facturan alias Muraimin at Musali Mustapha Alis Bus at kilala rin bilang Abu Hurayra.
Ayon sa DOJ, napatunayan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang iligal na pag-iingat ng mga pampasabog at armas na siyang ginamit sa madugong pag-atake sa Roxas night market.
Nilagdaan nila prosecutor general Claro Arellano at senior deputy state prosecutor Richard Fadullion ang nasabing rekumendasyon at nakatakda na itong isampa sa Cotabato City regional trial court.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo