Inaasahang libu-libong bakasyunista mula sa iba’t ibang lalawigan ang dadagsa ngayong araw sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX at South Luzon Expressway o SLEX pabalik ng Metro Manila.
Ito’y matapos ang mahabang weekend at pagdiriwang ng Undas o Todos Los Santos sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon sa mga awtoridad, kaninang madaling araw hanggang mamayang hapon ay ang mabigat ang buhos ng mga motoristang pabalik sa kalakhang Maynila.
Kasabay nito, patuloy na nakaalerto at nakaantabay ang mga operatiba ng Philippine National Police o PNP sa pagdagsa ng mga biyahero sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan.
Sinasabing inaasahan na rin ang pagbalik ng normal na daloy ng mga sasakyan ngayong araw.
NLEX
Inaasahan ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) ang halos 250,000 sasakyan na dadaan dito pabalik ng Metro Manila ngayong araw na ito.
Kasunod na rin ito ng pagbabalik ng pasok sa trabaho at eskuwelahan matapos ang long weekend dahil sa paggunita sa Araw ng mga Patay.
Ayon pa sa pamunuan ng NLEX, asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa toll gate hanggang ngayong mag-hapon.
By Jelbert Perdez | Judith Larino