Interesado ang local gun maker na United Defense Manufacturing Corporation na mag-supply ng mga kailangang baril ng Philippine National Police (PNP) maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang inihayag ni Gene Cariño, Owner at President ng UDMC, makaraang maunsyami ang kontrata ng isang US Arms Manufacturer na mag-supply ng baril sa PNP.
Ayon kay Cariño, may kapabalidad naman ang kanilang kumpanya na mag-supply ng M-4 rifles subalit napipigilan sila dahil sa procurement law kung saan isinasaad na ang country of origin at dalawang North Atlantic Treaty Organization (NATO) countries ang dapat gumagamit ng mga baril.
Dahil dito, umapela sa Kongreso si Cariño na rebisahin ang Republic Act 9184 o Government Procurement Law kung talagang pursigido ang pamahalaan na tulungan ang local arms manufacturer.
Swedish arms manufacturer
Samantala, pursigido rin ang isang Swedish Defense and Security Company na palawakin ang kanilang negosyo sa Pilipinas sa gitna ng pag-atras ng isang American arms manufacturer sa pagsu-supply ng mga baril sa Philippine National Police.
Sa katunayan ay binuksan ng Swedish company na Saab ang kanilang tanggapan sa Taguig City, noong Miyerkules.
Ayon kay Swedish Ambassador-Designate Harald Fries, napapanahon ang pagbubukas ng Saab-Philippines sa reopening ng kanilang embahada sa Taguig City noong Martes at paghikayat sa ibang kumpanya mula Sweden na mag-invest sa Pilipinas.
Ang naturang kumpanya ang manufacturer ng multirole fighter jet na jas-grippen at iba pang air, land, naval at civil aerospace products and services na maaaring mag-alok ng mga coastal surveillance equipment at missile maging ng mga submarine sa Pilipinas.
Bahagi rin ang Sweden ng European Union na patuloy na binabanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa batikos sa kanyang anti-drug campaign.
By Drew Nacino