Tatagal lamang ng anim (6) na buwan ang pansamantalang suspension ng paglilitis sa mga kaso laban kay Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari.
Ayon kay Presidential Legal Adviser Jesus Dureza, pagkatapos ng anim na buwan ay magsasagawa ng assessment ang judge na may hawak ng kaso ni Misuari upang alamin kung kailangan pa si Misuari sa peace talks at kung kailangan pang palawigin ang pansamantala nyang kalayaan.
May mga nakalatag rin anyang kundisyon sa desisyong inilabas ng hukom tulad ng paghingi ng permiso kung sakaling lalabas ng bansa si Misuari.
Inaatasan rin anya ng korte ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, ang Department of Justice at ang abogado ni Misuari na magsumite ng monthly report hinggil sa mga naging aktibidad ni misuari na may kaugnayan sa peace process.
Iginiit ni Dureza na walang kaugnayan at hindi maapektuhan ang kasong kinakaharap ni Misuari kaugnay ng Zamboanga siege dahil sa paglahok niya sa peace process.
By Len Aguirre