Kinumpirma ng bandidong Abu Sayyaf na pinatay nila ang isa sa dalawang German nationals na kanila ngayong bihag.
Ayon kay Muammar Askali alyas Abu Ramie, nagpakilalang tagapagsalita ng mga bandido, binihag nila ang dalawa habang namamasyal ang mga ito sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
Gayunman, sinabi ni Abu Ramie na napatay nila ang isa sa mga bihag na pawang babae makaraang tangkain nito na barilin sila kaya’t binaril din nila ito.
Pinakausap pa ng ASG sa pahayagang Inquirer ang isa sa mga bihag na kinilalang si Juegen Kantner, 70 taong gulang habang kinilala naman ang napatay nitong kasama na si Sabrina.
AFP
Samantala, tumanggi munang magkomento ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa panibagong pagdukot ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Ito’y makaraang ilathala ang pag-amin ng umano’y tagapagsalita ng mga bandido na si Abu Ramie na hawak nila ang dalawang German national ngunit isa rito’y napatay nila.
Ayon kay Major Filemon Tan Jr., tagapagsalita ng Western Mindanao Command, wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil dito.
Samantala, inilathala naman ng pahayagang Star Online ng Malaysia na may nangyaring pagdukot sa bahagi ng Pegasus Reef na 40 nautical miles ang layo mula sa isla ng taganak sa Tawi-Tawi.
Natukoy ng Malaysian Navy sa Kota Kinabalu ang isang skipper ng isang Indonesian vessel na kinilalang si Lautu Bin Laari na dinukot noong Sabado.
By Jaymark Dagala