Tiniyak ni National Water Resources Board (NWRB) Director Sevillo David, ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila, sa kabila ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ipinaliwanag ni David na ito ay dahil mas mataas pa din ito, kumpara sa lebel noong kaparehong panahon, noong nakaraang taon.
“Sa ngayon po kasi ang lebel niya eh sa tingin po natin ay kayang-kaya namang suplayan yung pangangailangan ng Metro Manila, binabantayan po natin yung lebel niya kasi yung lebel ngayon mas mataas ng higit 4 na kilometro noong nakaraang taon.” Ani David.
Nakiusap din si David sa publiko na magtipid ng tubig, lalo na at wala pang katiyakan kung kailan magsisimula ang tag-ulan.
“Magtipid po tayo ng tubig para naman po hindi masyadong mabawas sa lebel natin sa dam, matagal yung puwede nating paggamit, para po pag umulan madaling maka-rekober na malagpasan ang 180 meters para agad na masuplayan ang sa irigasyon.” Pahayag ni David.
Presyo ng mga bilihin
Umaasa si National Water Resources Board Director Sevillo David, na hindi gagamiting dahilan ng mga negosyante, ang pagpigil ng tubig sa irigasyon, para magtaas ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay David, kaunti lamang ang ibinaba ang lebel ng tubig sa dam, kaya’t mabilis lang din ito makakabawi, kapag dumating na ang ulan.
Una nang napaulat ang pagtaas ng presyo ng luya at iba pang gulay, dahil sa mainit panahon.
“Sana naman po huwag gawing rason ito, sa ngayon po yung tubig ng irigasyon ay made-delay po pero konti na lang po hindi ganun katagal.” Pakiusap ni David.
By Katrina Valle | Ratsada Balita