Umusad na ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagkamatay ni Mayor Rolando Espinosa Sr. at Raul Yap habang nakakulong sa Baybay City Provincial Jail.
Ayon kay PNP Deputy Director General Francisco Uyami Jr., nakakuha ng sampung (10) sachet ng shabu, 27 sachet ng pinatuyong marijuana, drug paraphernalias at kalibre 45 na baril sa selda ni Yap samantalang nakuha naman ang kalibre 38 na baril sa selda ni Espinosa.
Sinabi ni Uyami na malinaw ang direktiba sa kanila ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na tiyaking walang whitewash na magaganap sa imbestigasyon.
Bahagi ng pahayag ni PNP Deputy Director General Francisco Uyami Jr.
Autopsy report
Apat na tama ng bala ng baril ang tinamo ni Mayor Rolando Espinosa samantalang lima sa kapwa inmate na si Raul Yap matapos na di umano’y manlaban sa search team na dahilan ng kanilang pagkamatay sa loob ng Baybay City Provincial Jail noong Sabado.
Ayon sa autopsy report ng PNP CIDG Region 8, dalawang bala ang tumama sa dibdib ni Espinosa samantalang ang dalawang iba pa ay sa kanyang tiyan.
Gayunman, tatlong bala lamang ang na-recover sa loob ng katawan ng alkalde dahil isa rito ang tumagos sa kanyang katawan.
Lumabas rin sa medico legal report na walang indikasyong binaril ng malapitan si Espinosa.
Samantala, apat na bala naman ang tumama sa likuran ni Yap at at isa sa gilid ng kanyang dibdib .
Isa sa mga bala na tumama sa likuran ni Yap ay may upward trajectory o pataas ang direksyon na umabot hanggang sa kanyang utak kung saan narekober din ang nasabing bala.
Si Espinosa at Yap ay napatay matapos umanong manlaban nang tangkain ng mga operatiba ng CIDG Region 8 na magsilbi ng search warrant noong Sabado ng madaling araw sa kanilang kulungan.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)