Matagal nang naghahanda ang Southern Police District para sa ipatutupad na seguridad sa nakatakdang paglilibing sa dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay SPD Director Senior Supt. Tomas Apolinario, ilang beses na rin silang nagpulong at nagsagawa ng pinal na plano para sa seguridad sa paghahatid sa libingan ng mga Bayani sa dating Pangulo.
Kabilang aniya sa kanilang inilatag ang re-routing scheme, checkpoint operations, civil disturbance management training sa kanilang mga tauhan sa usapin ng human rights at iba pang police operational procedures.
Sinabi ni Apolinario na mahalagang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng paglilibing sa dating Pangulo sa kabila ng inaasahang pag alma ng ilang grupo rito.
Umapela rin si Apolinario sa mga grupong kontra sa desisyon na igalang ito at kilalanin ang rule of law.
By: Judith Larino / Jonathan Andal