Handang makulong si PNP chief Ronald Dela Rosa kung mapapatunayang labag sa batas ang pagtanggap niya ng libreng biyahe at accomodation sa Las Vegas nevada para sa laban ni Senador Manny Pacquiao.
Nanindigan si Dela Rosa na wala siyang nakikitang masama na kunin ang pagkakataon lalo’t hindi naman aniya kriminal, drug lord o negosyante ang pambansang kamao kung saan maaaring makompromiso ang kanyang tanggapan bilang PNP chief.
Iginiit ni Dela Rosa na inimbitahan siya ni Pacquiao na manuod ng laban sa abroad hindi bilang PNP chief ngunit bilang matagal nang magkakaibigan.
Inamin ng PNP chief na hindi ito ang unang pagkakataon na tumanggap siya ng mga regalo ngunit katwiran nito, hindi lang naman siya ang na-libre kundi marami pang iba.
Wala ring nakikitang mali si Dela Rosa sa panlilibre ni Pacquiao lalo’t hindi naman aniya ito isang uri ng suhol at hindi naman ito galing sa pera ng taumbayan, bagkus ay sa sariling bulsa ng senador.
By Ralph Obina