Dalawa na ang patay sa pagtama ng malakas na lindol sa New Zealand.
Dakong alas-12:00 ng hatinggabi o ala-7:00 ng gabi sa Pilipinas nang yanigin ng magnitude 7.8 ang South Island ng New Zealand habang nahihimbing ang mga residente sa pagtulog.
Natunton ang sentro ng pagyanig, 50 kilometro, hilagang-silangan ng Christchurch City.
Ayon sa Ministry of Civil Defense and Emergency Management ng New Zealand, nagdulot ang lindol ng pinsala sa mga gusali, kalsada maging sa mga bahay dahilan upang maglabasan ang mga residente ng Christchurch at ilang karatig lugar.
Makalipas ang halos dalawang oras, hinampas ng tsunami na aabot sa walong talampakan ang taas ang northeastern coast ng South Island.
Magugunitang noong 2011, tinamaan ng magnitude 6.3 ang Christchurch na ikinasawi ng halos 200 katao kasama ang ilang Pilipino.
Filipino community
Patuloy na minomonitor ng Malacañang sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon ng mga Filipino sa New Zealand matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa nasabing bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, wala pa silang natatanggap na report na may nasugatang Pinoy base sa Philippine Embassy sa Wellington.
Nananalangin anya ang Palasyo para sa kaligtasan ng mga Pinoy sa New Zealand partikular sa Christchurch City na sentro ng pagyanig.
By Drew Nacino
Photo Credit: AP