Tanging ang Korte Suprema lamang ang makakapagbigay linaw sa pagsibak ng Ombudsman kay Senador Joel Villanueva.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naka-engkwentro niya ang pagsibak ng Ombudsman sa isang senador.
Sa ilalim anya ng konstitusyon at Section 21 ng Ombudsman Law, walang hurisdiksyon ang Office of the Ombudsman sa mga kongresista at mga senador.
Gayunman, sa kaso anya ni Villanueva, ang inaksyunan ng Ombudsman ay isang kaso na naisampa noong panahong Director General pa siya ng TESDA.
Paliwanag ni Drilon na dahil wala na si Villanueva sa TESDA, ang parusang naipataw sa kanya ng Ombudsman ay perpetual disqualification from holding public office na siyang nakaapekto ngayon sa posisyon niya bilang isang senador.
Matatandaan na ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo kay Villanueva matapos na di umano’y mapatunayang guilty sa kasong administratibo laban sa kanya na may kaugnayan sa PDAF scam.
By Len Aguirre