Nakaranas ng blackout ang malaking bahagi ng luzon kabilang ang Metro Manila, kagabi.
Ito, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ay dahil sa naranasang power failure ng pitong power plants kaya’t agad isinailalim sa red alert status ang Luzon grid.
Kabilang sa mga nakaranas ng failure ang Santa Rita, San Gabriel at San Lorenzo power plants sa Batangas, dakong ala-7:30 kagabi.
Nasa 1,400 hanggang 1,600 megawatt power anya ang nabawas sa Luzon Grid sa biglaang power tripping ng mga planta.
Inihayag naman ni Manila Electric Company (MERALCO) Spokesman Joe Zaldarriaga na nakikipag-ugnayan na sila sa NGCP upang mabatid ang sanhi ng outage.
Ilan naman sa mga lugar na nakaranas ng brownout ang mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Laguna, Quezon at bahagi ng Metro Manila.
Power interruption today
Magpapatupad ng power interruption ang MERALCO sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong araw upang magbigay daan sa pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad.
Magsisimula ang interruption alas-9:00 ng umaga hanggang alas-11:15 ng gabi.
Kabilang sa mga apektado ang Villa Sabina Subdivision sa Barangay Talipapa, Quezon City; Barangay Pinagbuhatan, Bambang, Palatiw, San Nicolas, Santa Cruz, Santo Tomas, Kapasigan at San Miguel sa Pasig.
Alas-11:00 kagabi hanggang alas-4:00 kaninang madaling araw naman ang power outage sa barangay Cupang, Muntinlupa City; alas-11:00 hanggang alas-11:30 kagabi rin ng tamaan ng brownout ang barangay Carmona, Makati City na nakaranas muli ng outage simula ala-5:30 hanggang ala-6:00 kanina.
Wala ring kuryente ang ilang bahagi ng barangay Tejeros, Makati City simula alas-11:00 kagabi hanggang kaninang ala-6:00.
By Drew Nacino