Tuloy na tuloy na ang pagbabalik bansa ng tinaguriang drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa bukas, araw ng Biyernes.
Ito ang kinumpirma mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa batay sa ulat sa kanya ni PNP Anti-Illegal Drugs Group Director S/Supt. Albert Ferro na siyang sumundo sa nakababatang Espinosa.
Ayon kay Dela Rosa, nakatakdang dumating sa bansa ang eroplanong sinasakyan ni Espinosa sa NAIA mula alas-2:00 hanggang alas-3:00 ng madaling araw.
Dagdag pa ni Dela Rosa, wala namang naging aberya o kinaharap na problema ang grupo ni Ferro kasama ang whistleblower na si Sandra Cam at handa na umano si Kerwin na magbalik-bansa.
Illegal drug trade
Samantala, inaasahan na ni Senadora Leila de Lima na idiriin siya ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa sa sandaling makabalik na ito sa Pilipinas.
Ito ang reaksyon ng senadora makaraang ihayag ng Justice Department na makikipagtulungan umano sa kanila ang batang Espinosa.
Giit ni De Lima, malinaw na gawa-gawa lamang ng administrasyon ang mga istorya na nag-uugnay sa kanya sa illegal drug trade sa bansa.
By Jaymark Dagala