Dumagsa sa People Power Monument sa kahabaan ng EDSA ang mga tutol sa nangyaring paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Karamihan sa mga nakilahok sa mass protest ang mga millenial na nagpakita ng mariing pagkondena sa pasikretong paglilibing sa diktador.
Sigaw ng mga ito, nailibing man ang labi ng dating Pangulo, ngunit hindi anila ang katotohanan.
Maliban sa People Power Monument, inilunsad din ang mga kahalintulad na kilos protesta sa Taft Avenue at Mendiola sa Maynila, Monumento sa Caloocan City, Cebu City at Davao City.
Walk Out
Nag-walk out din sa kanilang klase ang mga estudyante ng Miriam College matapos ang biglaang pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Bitbit ang kani-kanilang mga placard, ipinagsigawan nila na hindi bayani si Marcos.
Hinikayat din ng mga estudyante ang mga dumadaan sa bahagi ng Katipunan na bumusina bilang pakikiisa.
Nakiisa din sa nasabing protesta si Liberal Party President Francis “Kiko” Pangilinan.
‘Social Media’
Samantala, bumaha sa social media ang mga memes matapos ang sorpresang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Giit ng ilang netizens, kahit ang pagpapahimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani o LNMB ay panakaw din.
Nakasaad sa mga memes ang mga salitang “Kahit ‘Yung Libing, Panakaw pa din,” “Libing Now, Hukay Later” at “Bes, Paki-ilaliman ang Hukay nang Umabot ng Impiyerno.”
Nag-trending din ang mga memes na nagsasaad na “Hidden Wealth na, Hidden Libing pa,” “kung naging Pinoy sana ako, may hero’s burial din ako – Adolf Hitler” at “Hukayin si Marcos! Ibalik sa Ilocos!”
By Ralph Obina | Jelbert Perdez | Meann Tnabio | Jonathan Andal (Patrol 31)