Naka-heightened alert na ang mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod panibagong banta ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.
Humingi na ng pang-unawa si Manila International Airport Authority General Manager Angel Honrado sa mga maaabala ng mas mahigpit na seguridad sa NAIA lalo sa arrival area.
Tiniyak naman ni Honrado na sapat ang bilang ng kanilang mga personnel at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Quaratine ng Department of Health upang hindi malusutan ng mga hinihinalang may MERS-CoV.
Inatasan din ang mga airport commander na agad ipaalam sa health officer ng NAIA sakaling may mga pasaherong masama ang pakiramdam o may sakit.
Nakaalerto na din ang Mactan-Cebu International Airport sa Lapu-Lapu City laban sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV.
Ito ay dahil sa 2,000-3,000 mga Koreano ang dumadating sa probinsiya araw-araw.
Ayon kay MCIA Quarantine Officer Terrence Bermejo, pinaigting na ang screening procedure sa mga dumarating na pasahero upang masigurong hindi makalulusot ang mga taong apektado ng MERS-CoV.
Mayroong 9 na direct flights mula sa South Korea patungong Cebu, 7 sa mga ito ang araw-araw na lumalapag mula sa Incheon habang dalawang beses isang linggo naman ay mula sa Busan.
By Drew Nacino| Rianne Briones | Raoul Esperas (Patrol 45)
Photo Credit: wikipedia.com