Sa huli umamin ang Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nag-utos kay PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na ibalik sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng CIDG Region 8 si Superintendent Marvin Marcos.
Ito ay matapos na malagay sa floating status si Marcos dahil sa umano’y kaugnayan nito sa operasyon ng ilegal na droga sa Eastern Visayas.
Sa panayam ng CNN Philippines sa Pangulong Duterte, sinabi nitong inutusan niya si Special Assistant to the President Bong Go na tawagan si Dela Rosa para ma-reinstate si Marcos.
Katwiran ng Pangulo sumasailalim naman sa kanilang imbestigasyon ngayon si Marcos.
Sakali mang mapatunayang sangkot sa ilegal na droga, sinabi ng Pangulo na dapat itong harapin ni Marcos ngunit sa ngayon aniya ay hayaan munang mabigyan ng pagkakataon na madinig ang panig ng naturang opisyal ng PNP.
Unang isiniwalat ni Senadora Leila de Lima na si Go ang tumawag sa PNP Chief para arburin si Marcos.
Matatandang ang grupo ni Marcos ang nasa likod ng shootout sa loob ng baybay city jail kung saan napatay si Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
By Ralph Obina