Palalakasin ng Department of Agriculture (DA) ang produksyon ng hibla ng bulak o cotton fiber sa bansa.
Ayon kay Dr. Clarito Barron, Officer-in-Charge Executive Director ng Philippine Fiber Industry Development Authority o PHILFIDA, humina ang produksyon ng bulak sa bansa sa mga nakalipas na taon kung kaya’t nais nilang buhayin at palakasin ito para mabawasan ang pag-aangkat ng cotton fiber na ginagamit sa paggawa ng tela o textile.
Sinabi ni Barron na naglaan sila ng P5-milyong pondo para magamit sa isasagawang multi-location field testing area kaugnay sa paggamit ng BT cotton o biotechnology cotton para mas maparami ang produksyon nito.
Inaasahan ng PHILFIDA na makukuha na nila ang permit para sa komersyalisasyon sa paggamit ng BT cotton sa darating na buwan ng Setyembre o Oktubre ng taong ito.
Aabot sa 40 ektaryang taniman ng cotton o bulak ang target ng produksyon ng PHILFIDA sa Region 1.
By Meann Tanbio | Monchet Laranio