Kinumpirma ng AFP Western Mindanao Command o WESMINCOM ang pagkakapatay ng Malaysian forces sa isang Abu Sayyaf leader na nanguna sa Samal kidnapping incident nuong isang taon.
Kinilala ng WESMINCOM Spokesman Maj. Filemon Tan ang ASG leader na si Abraham Hamid na natiyempuhang kumikilos para sa isang panibagong pagdukot ng mga dayuhan sa Lahad Datu na kilala ring diving site.
Dalawa sa mga kasamahan ni Hamid na kinilalang sina Samsung Aljan at Awal Hajal ang naaresto habang may dalawa pa umano ang pinaniniwalaang nakatakas.
Hindi naman mabatid ng Malaysian forces ayon kay Tan kung napasama ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf na pinalubog nilang speedboat.
Magugunitang pinangunahan ng grupo ni Hamid ang pagdukot sa 4 katao sa Samal Island kabilang ang mga napatay na Canadian nationals.
Habang napalaya naman ang Pilipinang bihag ng mga ito na si Maritess Flor gayundin ang Norweigian na si Kjartan Sekkingstad.
By: Jaymark Dagala