Nagbigay na ng Go Signal si Pangulong Rodrigo Duterte para ilarga ang pamimigay ng libreng gamot sa mga mahihirap na Pilipino.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Pangulong Duterte na naibigay na niya sa DSWD ang 1 Bilyong Pisong pondo na bahagi ng 5 Bilyong Pisong ibinigay ng PAGCOR para magamit na pambili ng gamot.
Matatandaang kasama ang libreng gamot sa mga ipinangako ng Presidente noong panahon ng kampanya dahil nakita nito ang kalagayan ng mga maysakit na mahihirap na Pilipinong hindi makabili ng gamot at ang iba ay namamatay na lang nang hindi nalunasan dahil sa kawalan ng pera.
Tiwala rin ang Pangulong Duterte na maayos na mapangangasiwaan ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo ang 1 Bilyong Pisong pondo para sa libreng gamot ng mga mahihirap.
Kasabay nito, inihayag ng Pangulo na handa siyang magdagdag ng 1 Bilyong Piso para ipambili ng tranquilizers ng mga lulong sa droga.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping