Idinepensa ng dalawang bagong appoint na deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI) na biktima sila ng frame-up o set-up.
Ang dalawa ay nahuli sa CCTV camera na tumanggap ng P50 milyong suhol mula sa umano’y bagman ng online gambling tycoon na si Jack Lam.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, nakausap niya sina Al Argosino at Mike Robles na nagtungo sa kanyang tanggapan para ihain ang kanilang 30-days na leave of absence.
Tiniyak naman ni Aguirre na magiging patas ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa napaulat na suhulan sa Immigration na kinasasangkutan ng kanyang mga ka-brod.
Sina Argosino at Robles ay mga kasamahan ni Aguirre sa Lex Talionis Fraternitas sa San Beda College of Law na nauna ng umaming tumanggap ng P30-milyon mula sa kampo ng negosyanteng si Jack Lam.
Ngunit, palusot ng mga nabanggit na opisyal na gagamitin nila itong ebidensya laban sa kampo ni Lam.
Kaugnay nito, umapela si Aguirre sa publiko na huwag siyang husgahan dahil tinitiyak niya na siya ay magiging patas kahit pa mga ka-brod niya ang mga iniimbestigahan.
Sa katunayan, ayon sa kalihim, inirekomenda na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na masibak sa puwesto sina Argosino at Robles.
By Jelbert Perdez