Nagdeklara na ng code white alert ang Department of Health (DOH) sa lahat ng pampublikong ospital sa buong bansa.
Bahagi ito ng paghahanda ng DOH sa nalalapit na Pasko at pagpasok ng Bagong Taon.
Ang deklarasyon ng code white alert ng DOH ay hudyat rin ng pagsisimula ng pagbibilang mga mabibiktima ng paputok o mga disgrasyang may kaugnayan sa paputok.
Sa ilalim ng code white alert ng DOH, hindi papayagang mag-leave ang mga empleyado ng mga ospital ng gobyerno.
Kinakailangan ring kumpleto ang tauhan sa mga kritikal na dibisyon ng isang ospital anumang oras na may dumating na pasyente.
Kasabay nito, sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial na isusulong nya ang pagkakaroon ng community fireworks display para maisawan na ang dami ng mga nasusugatan dahil sa pagpapaputok tuwing sumasalubong sa Bagong Taon.
By Len Aguirre