Dapat munang magsagawa ng malalimang pag-aaral at masusing pagtalakay ang mga National Security Advisers at iba pang Security Experts bago magpasya sa alok ng China na mga armas at sasakyang pandagat na nagkakahalaga ng 14 milyong dolyar.
Ito, ayon kay Senador Panfilo Lacson ay dahil sa dapat nating ikunsidera na habang nag-aalok ang China ng mga armas, patuloy naman nilang pinalalakas ang kanilang defense facilities sa isla sa South China Sea.
Anuman aniya ang magiging pasya at aksyon ng ating pamahalaan sa iniaalok ng China, maaaring magkaroon ng implikasyon sa usapin ng Major Foreign Policy.
Sinabi pa ni Lacson na kahit pa ang Pangulo ang siyang Commander in Chief, wala itong monopolya ng karanungan pagdating sa naturang usapin kaya’t dapat lang na konsultahin at maging bukas ang Pangulo sa opinyon at suhestyon lalo na ng mga National Security Advisers at Security Experts.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno