Ibinabala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang basa at maulang panahon sa mismong araw ng Pasko sa darating na Linggo, Disyembre 25.
Ito’y dahil ganap nang naging bagyo ang namumuong sama ng panahon o Low Pressure Area (LPA) sa timog-silangang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling tala ng PAGASA, namataan ang nasabing tropical depression sa layong 1,765 kilometro silangan ng Mindanao.
Taglay ng nasabing sama ng panahon ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 70 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang nasabing bagyo sa bilis na 23 kilometro kada oras at tinatahak nito ang direksyong pa-kanluran hilagang kanluran.
Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw ang nasabing bagyo na papangalanang nina na siyang magpapalakas sa hanging amihan na nagdadala rin ng mga pag-ulan.
DSWD
Samantala, naka-monitor ang Department of Social Welfare and Development sa bagyong namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Mindanao.
Ito’y upang mapaghandaan ang posibleng pananalasa nito sakaling pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility.
Bukod pa rito, pinaghahandaan din ng DSWD ang maaaring maging epekto ng northeast monsoon o hanging amihan na nakakaapekto sa northern Luzon at isolated thunderstorms sa buong Luzon.
Ayon kay Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, may mga nakahanda na silang food and non-food items na ipamamahagi sakaling may tumamang kalamidad.
By Jaymark Dagala