Nanawagan para sa kapayapaan si Pope Francis para sa nasa Gitnang Silangan at sa mga bansang nakararanas ng digmaan.
Ito ang buod ng mensahe ng Santo Papa sa kanyang taunang Christmas Urbi Et Orbi o message to the city and to the world sa St. Peter’s Square sa Vatican City.
Matigas din ang panawagan ng Santo Papa na itigil na ang sigalot sa bansang Syria dahil sa aniya’y marami nang dugo ang dumanak doon.
Hinimok din ni Pope Francis ang mga Israeli at Palestino na tumayo, manindigan at magkaroon ng tapang upang lumikha ng panibagong yugto ng kasaysayan.
Kinondena rin ng Santo Papa ang naging pag-atake sa Berlin, Germany kamakailan kung saan, 12 ang kumpirmadong nasawi habang marami ang nasugatan.
Kasabay nito, binigyang diin ni Pope Francis na dapat maramdaman ng mundo ang pagkakaroon ng malasakit sa mga kabataan, mga biktima ng digmaan, nangibang bayan at mga nawalan ng tahanan.
Message for the Youth
Pagmamahal naman sa kabataan ang naging buod ng sermon o homily ni Pope Francis sa kanyang Christmas Eve mass sa St. Peter’s Basilica sa Vatican.
Ayon sa Santo Papa, nakapangingilabot makita ang mga bata na humahawak ng mga armas at nakikipagpatayan sa halip na humawak ng mga laruan para maglaro.
Binanatan din ng Santo Papa ang malawakang komersyalismo ng Pasko na tila bumubura sa kaisipan ng tao hinggil sa tunay na diwa at dahilan ng pagdiriwang.
Kasunod nito, hinikayat ni Pope Francis ang buong mundo na mamuhay ng may kababaang loob at huwag masyadong ituon ang sarili sa mga materyal na bagay.
By Jaymark Dagala